Tatlong Daan at Tatlumpu ang dumalong lahat sa Araw ng Gawad kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2010 na idinaos sa Bulwagang Quezon, Philippine Columbian Association sa Plaza Dilao, Paco, Maynila noong ika-31 ng Agosto.
Isang panalangin para sa paghihilom ng nilikhang sugat ng hostage crisis sa Quirino, Grandstand noong ika-23 ng Agosto 2010, ang pinangunahan ni Punong Komisyoner Jose Laderas Santos ng Komsyon sa wikang Filipino kasama ang ilang tanging panauhin sa naturang okasyon.
Ang panauhing pandangal at tagapagsalita na si Pangalawang Pangulo Jejomar C. Binay ay nagpadala ng kanyang kinatawan sa katauhan ni Atty. Edward Maceda, anak ng dating Senador Ernesto Maceda.
Binasa ni Atty. Maceda ang talumpating inihanda ni Pangalawang Pangulong Binay na lubos at ganap ang paniniwala sa bisa ng wikang Filipino bilang tulay sa pagkakaunawaan ng pamahalaan at ng pinaglilingkurang mamamayan ng bansa.
Isang tula ang inihandog na pagbati ni Gng. Zenaida Flores na kumatawan sa butihing Alkalde ng Lungosd ng Maynila, Mayor Alfredo S. Lim. Nagbigay din na mensahe si Kgg. Ricky Quezon Avanceña na kumatawan sa pamilya Quezon.
Sa unang tampok na bahagi ng palatuntunan ay isa-isang ipinakilala ang mga nagwagi sa timpalak sa GAWAD SURIAN SA SANAYSAY.
Itinanghal na “Mananaysay ng Taon 2010 si G. Mon Karlo Mangaran, kasalukuyang nasa ikalawang taon ng kursong AB Mass Communication sa Far Eastern University. Nakamit niya ang unang gantimpala dahil sa kanyang sanaysay na may pamagat na “Pagbuhay sa Naglahong Kislap ng mga Alitaptap: Ang masikhay na Pakikibaka para sa Wika’t Kalikasan sa Panahon ng Globalisasyon.”
Pumangalawa si Prof. Romeo P. Peña ng PUP-Sta. Mesa sa kanyang lahok na “Sa Bingit ng Panganib: Pagsalba at Pagprotekta sa Wika at Kalikasan, Pagbasa sa Salungatan ng Dalawang Pitak Pangwika at Pagtutok sa mga Millennium Development Goal (MDGs)”
Nasungkit naman ni G. Richard B. Jaravata, patnugot at manunulat sa Gintong Aral Publications, Inc.ang pangatlong gantimpala sa kanyang piyesa na may pamagat na “Nang Panain ni Kupido at Haplusin ni Inang Kalikasan ang Puso ng Isang Manunulat.”
Nagwagi rin ang mga sumusunod: Prof. Jennifor L. Aguilar, “Trahedyang Dulot ay Wagas na Pagmamahal,” unang karangalang banggit; Prof. Jimmuel C. Naval, “Mula kay Rizal Hanggang sa Copenhagen: Ang Wika at/ng Kalikasan ng Mundo sa Rabaw ng Pagbabago,” pangalawang karangalang-banggit; at G. Elias Rafael Rosopa, “Wika at Kalikasan, Tayo ang Tanging Kailangan,” pangatlong karangalang-banggit.
Ang lupon ng inampalan ay binubuo nina Prof. Rogelio G. Mangahas, tagapangulo at Dr. Efren R. Abueg at Ms. Angie J. Perez, mga kagawad.
Pinarangalan at pinagkalooban ng Gawad Dangal ng Wikang Filipino sina Dr. Celedonio L. Layon, Jr. at Kgg. Norvic Solidum para sa katergoryang indibiduwal kaugnay ng di-matatawarang ambag ng mga ito sa kani-kanilang larangan sa pagpapaunlad at pagtatampok sa wikang Filipino.
Pinagkalooban din ng Gawad Dangal ng Wikang Filipino para sa kategoryang institusyon ang Pambansang Samahan sa Linggwistikang Filipino, Sangguniang Barangay ng San Vicente, Philippine Stagers Foundation at ang grupong ASIN.